Ang Aklat ni Job
Panimula:
Ang Aklat ni Job ay kasaysayan ng isang mabuting tao na dumanas ng
katakut-takot na hirap. Namatay lahat ang kanyang anak, naubos ang
kanyang kayamanan at nagkaroon pa siya ng nakakadiring sakit sa balat.
Sa pamamagitan ng tatlong ulit na pakikipag-usap, ipinapakita ng
may-akda sa paraang parang balagtasan kung paano nagpaliwanag si Job at
ang kanyang mga kaibigan tungkol sa mga sitwasyong ito.
Ipinaliwanag ng mga kaibigan ni Job ang kanyang paghihirap ayon sa
kanilang kinagisnang paniniwala na ang laging ginagantimpalaan ng Diyos
ay ang mabuti at pinaparusahan ang masama. Dahil dito, lumilitaw na si
Job ay nagkasala. Ngunit para kay Job, hindi siya dapat patawan ng
gayong kabigat na parusa sapagkat buo ang paniniwala niya na siya ay
matuwid. Hindi niya maunawaan kung bakit pahihintulutan ng Diyos na
mangyari sa isang tulad niya ang gayong mga paghihirap. Kaya't buong
tapang niyang hinamon ang Diyos. Hindi nanghina ang pananampalataya ni
Job. Gayunman, hangad niyang siya'y ituring na walang sala sa harap ng
Diyos at mabawi ang kanyang karangalan bilang isang taong matuwid.
Hindi sinagot ng Diyos ang mga tanong ni Job, subalit tinugon niya ang
pananampalataya nito sa pamamagitan ng isang matulaing paglalarawan ng
kanyang kapangyarihan at karunungan. Sa ganoon, buong kababaang-loob na
kinilala ni Job na ang Diyos ay marunong at dakila. Kaya't pinagsisihan
naman niya ang mabibigat na salitang nasabi niya.
Nakasaad sa bandang huli ay kung paano ibinalik si Job sa dati niyang
kalagayan. Higit pa ang naging kayamanan niya kaysa dati. Pinagsabihan
ng Diyos ang mga kaibigan ni Job sa kakulangan ng kanilang pagkaunawa sa
pagdurusa ni Job. Tanging si Job lamang ang nakadama at nakaunawa na
higit ang Diyos kaysa anumang uri ng paglalarawan sa kanya ng
kinaugaliang relihiyon.
Nilalaman: