Sabado - Abril 14, 2012 Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Ebanghelyo (Gospel) Marcos 16:9-15
ANG MAHABANG PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena
[9 Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito.
10 Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at nalulungkot.
11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buhay at nagpakita sa kanya.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad
12 Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon.
13 Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito.
Pinagalitan ni Jesus ang Labing-isa
14 Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.
15 At sinabi ni Jesus sa kanila, "Habang kayo'y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita.
Unang Pagbasa
Gawa 4:13-21
13 Nagtaka ang buong Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nalaman din nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito.
14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa.
15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Sanedrin, at saka sila nag-usap.
16 "Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila; hindi natin ito maikakaila.
17 Pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman tungkol kay Jesus upang huwag nang mabalita ang pangyayaring ito."
18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsasalita o magtuturo pang muli tungkol kay Jesus.
19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, "Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos.
20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig."
21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya.
Salmo
Awit 118:1-21
Awit ng Pagtatagumpay
1 Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
"Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman."
3 Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
"Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman."
4 Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
"Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman."
5 Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
6 Kung itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
7 Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
8 Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
9 Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
"Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway."
17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh, taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok, at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.