Pag-alam sa Kalooban ng Diyos
Awit 15
Ang Hinihiling ng Diyos
Awit ni David.
1 O Yahweh, sino kayang makaka- pasok sa iyong Templo?
Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?
2 Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
3 at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
4 Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.
Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.
Mikas 6:6-8
6 Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan?
7 Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan?
8 Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.
Mateo 5:14-16
14 "Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago.
15 Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan.
Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.
16 Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit."
Lucas 9:21-27
21 Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.
Ipinahayag ni Jesus ang Tungkol sa Kanyang Kamatayan
22 Sinabi pa niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos."
23 At sinabi niya sa kanilang lahat, "Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
24 Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.
25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili.
26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel.
27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang naghahari ang Diyos."
Roma 13:8-14
Mga Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkakaroon ng utang kaninuman, maliban sa saguting magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan.
9 Ang mga utos gaya ng, "Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;" at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili."
10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang siyang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon.
12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.
13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan.
14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.
2 Pedro 1:3-9
Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos
3 Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan.
4 Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.
5 Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman;
6 sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos;
7 sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig.
8 Ang mga katangiang iyan ang kailangan ninyong taglayin at pagyamanin, upang ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay huwag mawalan ng kabuluhan at kapakinabangan.
9 Ang taong wala ng mga katangiang iyan ay mistulang bulag at nakalimot na pinatawad na siya sa kanyang mga kasalanan.
1 Juan 4:7-21
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
9 Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya.
10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, dahil ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan.
12 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nag-iibigan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu.
14 Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan.
15 Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananahan sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananahan sa kanya.
16 Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito.
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya.
17 Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't hindi natin kinatatakutan ang Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito.
18 Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
19 Tayo'y umiibig
sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin.
20 Ang nagsasabing "Iniibig ko ang Diyos," subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?
21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid.