Skip Navigation LinksHome - Saan Sa Biblia - Itinakwil Ka Ba?

Itinakwil Ka Ba?

Awit 38
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

1 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.

2 Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

3 Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko ako'y nagkasakit.

4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala,
sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.

5 Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;

6 Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.

7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.

8 Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

9 O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.

10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok,
ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.

11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo,
ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.

12 Silang nagnanais na ako'y patayin,
nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;

14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit saiyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.

16 Aking panalangin, iyong pakinggan,
itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.

17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.

19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.

20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Panginoong Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;

22 aking Panginoon, aking kaligtasan,
iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Isaias 52:13-53:12
Ang Nagdurusang Lingkod

13 Sinabi ni Yahweh, "Ang lingkod ko'y magtatagumpay sa kanyang gawain;
mababantog siya at dadakilain.

14 Marami ang nagulat nang siya'y makita,
dahil sa pagkabugbog sa kanya,
halos hindi makilala kung siya ay tao.

15 Ngayo'y marami rin ang mga bansang magugulantang;
pati mga hari kapag siya'y nakita ay matitigilan.
Makikita nila ang hindi nabalita kahit na kailan,
at mauunawaan ang hindi pa narinig ninuman!"

1 Sumagot ang mga tao,
"Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito?
Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?

2 Kalooban ni Yahweh na matulad sa isang halaman ang kanyang lingkod,
parang ugat na natanim sa tuyong lupa.
Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan.

3 Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
Nagdanas siya ng hapdi at hirap.
Wala man lang pumansin sa kanya.
Binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan.

4 "Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling niya ang ating mga karamdaman.
Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya.

5 Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya
at sa mga hampas na kanyang tinanggap.

6 Tayong lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw;
nagkanya-kanya tayo ng lakad.
Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya
ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.

7 "Siya ay binugbog at pinahirapan,
ngunit hindi kumibo kahit isang salita;
tulad ay tupang nakatakdang patayin,
parang korderong hindi tumututol kahit na gupitan,
at hindi umiimik kahit kaunti man.

8 Nang siya'y hulihin at hatulan upang mamatay,
wala man lamang nagtanggol sa kanyang kalagayan.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.

9 Siya'y inilibing na kasama ng masasama at mayayaman,
kahit na siya'y walang kasalanan
o nagsabi man ng kasinungalingan."

10 Sinabi ni Yahweh,
"Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko;
ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala.

11 Pagkatapos ng mahabang pagdurusa, muli siyang lalasap ng ligaya;
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang tapat kong lingkod na lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami,
at alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin.

12 Dahil dito siya'y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila at makapangyarihan;
sapagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
at nakibahagi sa parusa ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan at idinalanging sila'y patawarin."

Mateo 9:9-13
Tinawag si Mateo

               9 Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, "Sumunod ka at maglingkod sa akin." Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya.

               10 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, "Bakit sumasalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?" 12 Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 13 Humayo kayo at unawain ang kahulugan nito: 'Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog.' Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid."

Lucas 4:16-30
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret

               16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, 17 at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

18 "Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,

19 at upang ipahayag na darating na ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon."

               20 Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, "Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon."

               22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. "Hindi ba ito ang anak ni Jose?" tanong nila.

               23 Kaya't sinabi ni Jesus, "Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, 'Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili!' Marahil, sasabihin pa ninyo, 'Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.' 24 Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa dinami- dami ng mga may ketong sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria."

               28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinakatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Juan 15:18-16:4
Ang Pagkapoot ng Sanlibutan

               18 Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nila bago kayo. 19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, mamahalin nila kayo, sapagkat kayo'y kabilang sa kanila. Hindi kayo taga-sanlibutan. Sila'y napopoot sa inyo dahil pinili ko kayo. 20 Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping nakakahigit kaysa sa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. 21 Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito at nangaral sa kanila, hindi sana mapatutunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y hindi na sila makakaiwas na panagutan ang kanilang kasalanan. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. 25 Subalit nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, Napoot sila sa akin nang walang dahilan.

               26 Ngunit sa pagdating ng Tagapagtanggol, ang Espiritu ng katotohanan, na susuguin ko mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. 27 At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa'y kasama ko na kayo.

               1 Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin. 2 Ititiwalag nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. 3 At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. 4 Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag ito'y nangyari, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo.

Efeso 1:3-14
Mga Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo

               3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. 4 Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, 5 tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! 7 Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at sa gayon ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Ganoon kadakila ang kanyang kagandahang-loob 8 na ibinigay sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang karunungan at kaalaman, 9 ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo.

               11 Dahil kay Cristo, tayo rin ay naging pag-aari ng Diyos na siyang nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. 12 Tayong mga unang umasa sa kanya ay pinili niya upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian.

               13 Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. 14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian!

1 Pedro 2:1-10
Ang Batong Buhay at ang Bayang Pinili

               1 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo sa pananampalataya hanggang makamtan ninyo ang ganap na kaligtasan, 3 sapagkat sinasabi sa kasulatan, "Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon."

               4 Lumapit kayo sa kanya; siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buhay, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya alang-alang kay Jesu-Cristo, 6 sapagkat sinasabi ng kasulatan,

               "Tingnan ninyo,

inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya."

               7 Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga walang pananampalataya, matutupad ang nasa kasulatan,

"Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon."

               8 At

"Batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila."

               Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.

               9 Ngunit kayo ay isang lahing pinili, grupo ng maharlikang pari, isang bansang nakalaan sa Diyos, bayang pag-aari ng Diyos upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga- hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y tinatanggap na ninyo ang kanyang habag.

†††

Lumang Tipan: Gen | Exo | Lev | Bil | Deut | Jos | Huk | Ruth | 1 Sam | 2 Sam | 1 Ha | 2 Ha | 1 Cro | 2 Cro | Ez | Neh | Est | Job | Awit | Kaw | Manga | Aw ni S | Isa | Jer | Panag | Eze | Dan | Hos | Joel | Amos | Oba | Jon | Mik | Nah | Hab | Zef | Hag | Zac | Mal

Deuterocanonico: Tb | Jdt | Estg | Kar | Ecc | Bar | Lih Jer | Aw ng 3 Kab | Su | Bel | 1 Mcb | 2 Mcb

Bagong Tipan: Mt | Mc | Lu | Jn | Gw | Ro | 1 Cor | 2 Cor | Ga | Ef | Fil | Co | 1 Tes | 2 Tes | 1 Tim | 2 Tim | Tito | Filem | Heb | San | 1 Ped | 2 Ped | 1 Jn | 2 Jn | 3 Jn | Ju | Pah