Huwebes - Abril 12, 2012
Gawa 3
Pinagaling ang Isang Lumpo
1 Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin.
2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon.
3 Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, siya'y humingi ng limos.
4 Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, "Tingnan mo kami!"
5 Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan.
6 Ngunit sinabi ni Pedro, "Wala akong pilak o ginto, ngunit may iba akong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad."
7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki;
8 palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templong kasama nila habang naglalakad, at lumulundag na nagpupuri sa Diyos.
9 Nakita ito ng lahat,
10 at nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.
Ang Sermon ni Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nang patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari.
12 Kaya't sinabi ni Pedro sa mga tao, "Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan?
13 Pinarangalan ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na ni Pilatong palayain siya.
14 Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao.
15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring iyon.
16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.
17 "Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayundin ang inyong mga pinuno.
18 Ngunit sa ginawa ninyo'y natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Cristo ay kailangang magtiis ng hirap.
19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan,
20 at nang sa gayon ay sumapit na ang panahon ng kapahingahang mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo.
21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una.
22 Sapagkat sinabi ni Moises, 'Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos
ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo.
23 Ang sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.'
24 Ang lahat ng propeta, mula kay Samuel at lahat ng sumunod sa kanya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong iyon.
25 Ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno
nang kanyang sabihin kay Abraham, 'Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.'
26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain at tulungan kayong tumalikod sa inyong masasamang pamumuhay."
Deuteronomio 17–18
1 "Huwag kayong maghahandog ng baka o tupang may kapintasan o kapansanan sapagkat kasuklam-suklam iyon kay Yahweh na inyong Diyos.
2 "Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh,
3 naglilingkod at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin
4-5 ay siyasatin ninyong mabuti. Kapag ang sumbong o ang bintang na iyon ay napatunayan, ang nagkasala ay dadalhin sa pintuang bayan, at babatuhin hanggang mamatay.
6 Ang hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi.
7 Ang mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito.
8 "Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh.
9 Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol.
10 Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin.
11 Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila.
12 Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan.
13 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.
Ang Paglalagay ng Hari
14 "Kapag kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo.
15 Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan.
16 Ang gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon.
17 Hindi siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari.
18 Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita.
19 Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh,
20 upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel.
Ang Bahagi ng mga Pari
1 "Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh.
2 Wala silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako.
3 "Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan;
4 ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa.
5 Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon.
6 "Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh
7 upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita.
8 Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama.
Babala Laban sa Pagsunod sa Kaugalian ng mga Pagano
9 "Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon.
10 Sinuman sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam,
11 ng mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay.
12 Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo.
13 Lubos kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh.
14 Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh.
Ang Diyos ay Magpapadala ng Propeta
15 "Mula sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya.
16 Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai.
Ang sabi ninyo, 'Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.'
17 Sinabi naman niya sa akin, 'Tama ang sabi nila,
18 kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang
katulad mo. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalooban, at siya ang magsasabi nito sa mga tao.
19 Sinumang hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin.
20 Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.'
21 "Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi,
22 ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan.
Job 12
Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos
1 Ang sagot ni Job:
2 "Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
3 Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
di mo masasabing higit ka kaysa akin,
lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
4 Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
5 Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
6 Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.
7 "Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan,
magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
8 Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan,
magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
9 Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10 Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11 Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
naririnig ng tainga ang salitang dumarating.
12 "Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13 Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14 Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15 Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.
16 "Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17 Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala,
at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19 Maging mga pari'y kanyang hinihiya,
mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababa.
20 Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21 Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22 Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23 Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24 Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25 Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw,
animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.