Ang Unang Aklat ng Mga Hari
Panimula:
Sa Unang Aklat ng mga Hari ipinagpapatuloy ang kasaysayan ng kaharian ng Israel na sinimulan
sa Mga Aklat ni Samuel.
Ang aklat na ito'y isang maingat na paglalahad at makatarungang paghatol sa mga kaganapan sa buhay ng Israel bilang isang kaharian.
Ito ay may dalawang pangunahing bahagi: Ang unang bahagi ay naisulat bago o pagkatapos na mamatay si Josias (609 B.C.),
at ang pangalawa naman ay noong kapanahunan ng Pagkabihag.
Ito ay may tatlong pangunahing pangyayari: 1) Ang pagiging hari ni Solomon sa Israel at Juda, at ang kamatayan ng kanyang amang si David,
2) Ang paghahari at mga nagawa ni Solomon, lalung-lalo na ang pagpapatayo niya ng Templo para kay Yahweh, at 3) ang pagkakahati
ng kaharian sa dalawa, ang Kaharian ng Israel (Hilagang Kaharian) at ang Kaharian ng Juda (Katimugang Kaharian),
gayundin ang mga kuwento patungkol sa mga naging hari ng dalawang kaharian hanggang sa panahon ng
pagkabihag.
Binibigyang-diin sa aklat na ito ang kahalagahan ng pagsunod sa alituntunin ng Kasunduan ni Yahweh sa mga Israelita. Ang bawat
hari ay hinahatulan ayon sa kanilang katapatan sa Kasunduan, kung saan si Haring David ang
pamantayan. Ipinapakita rito na ang pambansang tagumpay ay nakasalalay sa pagsunod sa
pambansang Diyos na si Yahweh, tulad ng itinatakda sa aklat ng Deuteronomio.
Kapansin-pansin na ang malalaking kasalanan ng Israel ay ang pagsamba sa mga sagradong lugar sa
labas ng Jerusalem at ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Bawat hari sa Kaharian ng Israel
ay nabigong makaabot sa pamantayan, kaya't bumagsak ang kahariang ito dahil sa paghatol ng
Diyos na isinagawa ng mga taga-Asiria.
Nakalahad rin sa aklat na ito ang panahon ng pagkabihag nila sa Babilonia (550 B.C.).
Nang panahong iyon, ang Kaharian ng Juda ay bumagsak na rin sa kamay ng
mga kaaway kaya't ito'y hindi maaaring ituring na mas mabuti kaysa
Kaharian ng Israel. Muli, ang malawakang pagtalikod kay Yahweh ay
nagdulot sa kanila ng hatol at kaparusahan ng Diyos, at sa pagkakataong
ito ay sa kamay ng mga taga-Babilonia. Sa bahaging ito, tahasang
ipinababatid sa mga orihinal na mambabasa na ang pangkalahatang
kasalanan ng bansa at kahangalan ng mga lider ay siyang dahilan ng
pambansang pagkawasak, kahit na sa kamay ng mga mapaniil na mananakop.
Si Elias ang siyang pangunahing propeta sa aklat na ito.
Nilalaman: